Ang artikulo ng opinyong ito, na nagkukuwento tungkol sa paggawa ng bakuna ng Russia laban sa COVID-19 at nagbibigay-diin sa kahandaan ng Russia na makipagtulungan sa international na komunidad, ay tinanggihan ng lahat ng nangungunang Kanluraning media. Kung kaya't napagpasyahan naming ilathala ito nang walang pagbabago upang ibahagi ang aming mga pananaw sa international na mambabasa at upang alisin ang barikadang ipinataw sa positibong impormasyon tungkol sa bakuna para sa COVID-19 ng Russia. Binibigyan namin ng karapatan ang lahat ng media outlet na muling ilathala ang op-ed na ito kung sa tingin nila ay kapaki-pakinabang na ipakita sa kanilang mga mambabasa ang kasaysayan at mga katotohanan tungkol sa kauna-unahang rehistradong bakuna para sa coronavirus sa buong mundo. Naniniwala kaming mahalaga ang impormasyong ito para sa international na pagsisikap na labanan ang pinakamalaking hamon sa buong mundo at gusto namin na ang mga mambabasa mismo ang magpasya kung ano sa palagay nila ang dahilan kung bakit tinanggihan ang op-ed na ito. Inilunsad namin ang website na sputnikvaccine.com upang magbigay ng wasto at updated na impormasyon tungkol sa bakuna.
Ang tagumpay ng Russia sa pag-develop ng bakuna para sa COVID-19 ay may pinagbatayang kasaysayan.
Nangyari ang “Sputnik moment.” Ang bakuna ng Russia na “Sputnik V” ay inilunsad bilang ang kauna-unahang rehistradong bakuna para sa COVID-19 sa buong mundo at nagpabalik sa mga alaala ng shock na paglunsad ng satellite ng Soviet noong 1957, na nagbukas sa kalawakan para galugarin ng mga tao. Sa makabagong panahong ito, umusbong ang kumpetisyon pati na rin ang maraming pagsisikap na magtulungan, kasama na ang misyong Apollo-Soyuz na magkasamang isinagawa ng Estados Unidos at Soviet Union.
Ang bakuna para sa COVID-19 ay ang nangungunang priyoridad ng buong mundo at maraming bansa, organisasyon at kumpanya ang nagsasabing malapit na silang makagawa nito. Sa pagtatapos ng taong ito, maaaring marami nang bansa ang mayroon na ng sarili nilang mga bakuna. Mahalaga na hindi nahahadlangan ng mga usaping pampulitika ang paggamit sa pinakamahuhusay na teknolohiyang mayroon ngayon para sa kapakanan ng lahat ng tao sa pagharap sa pinakamalaking hamong dinadanas ng sangkatauhan sa loob ng maraming dekada.
Sa kasamaang palad, sa halip na tumuon sa siyensya ng paggawa sa napatunayan nang platform ng bakunang adenoviral vector-based na na-develop ng Russia, maraming international na pulitiko at media ang piniling bumaling sa pulitika at nagtatangkang sirain ang kredibilidad ng bakuna ng Russia. Naniniwala kaming hindi nakakatulong ang ganitong pamamaraan at humihiling kami ng pulitikal na “tigil-putukan” hinggil sa mga bakuna sa kalagitaan ng pandemya ng COVID-19.
Hindi marami ang nakakaalam sa buong mundo na ang Russia ang isa sa mga nangunguna sa daigdig sa pananaliksik sa bakuna sa loob ng maraming siglo. Ang Emperatris ng Russia na si Catherine the Great ay nagtakda ng halimbawa noong 1768 nang siya ang kauna-unahang nagpabakuna para sa bulutong sa buong bansa, 30 taon bago isinagawa ang kauna-unahang pagbakuna sa Estados Unidos.
Noong 1892, nakapansin ang Russian na siyentistang si Dmitri Ivanovsky ng kakaibang epekto habang pinag-aaralan ang mga dahon ng tabako na nahawahan ng mosaic disease. Nanatiling may impeksyon ang mga dahon kahit na inalis na ng siyentista ang mikrobyo. Bagama't halos kalahating siglo pa ang lumipas bago nakita sa microscope ang unang virus, ang pananaliksik ni Ivanovsky ang nagsilang sa bagong siyensya na tinatawag na virology.
Mula noong isinagawa ni Ivanovsky ang pagtuklas na ito, ang Russia ay naging isa sa mga nangunguna sa daigdig sa larangan ng virology at pananaliksik sa bakuna, na pinagmulan ng marami pang dalubhasang siyentista gaya ng mananaliksik na si Nikolay Gamaleya, na nag-aral sa laboratoryo ng French na biologist na si Louis Pasteur sa Paris at nagbukas sa pangalawang istasyon sa buong mundo sa pagpapabakuna para sa rabies sa Russia noong 1886.
Ipinagpatuloy ng Soviet Union ang pagsuporta sa pananaliksik sa mga virus at bakuna. Ang lahat ng ipinanganak pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay mandatoryong binakunahan laban sa polio, tuberculosis at diphtheria. Sa pambihirang halimbawa ng pagkakaisa sa panahon ng Cold War, tatlong nangungunang Soviet na virologist ang nagpunta sa Estados Unidos noong 1955 upang mag-alok ng pagkakataong ipasuri sa Soviet Union ang bakuna ng U.S. laban sa polio, na isang nakamamatay na sakit na umagaw ng milyon-milyong buhay. Kung nagawa nating magkaisa noon, magagawa at kailangan din natin itong gawin ngayon.
Ang mga pagsisikap ng mga Russian at Soviet na siyentista sa loob ng maraming dekada ang nagbigay-daan upang mabuo ang mahusay na imprastraktura sa pananaliksik, gaya ng National Center of Epidemiology and Microbiology na ipinangalan kay Nikolai Gamaleya. Nasasaklawan ng imprastrakturang ito ang mula sa isa sa pinakamayayamang “virus library” sa buong mundo, na binuo gamit ang natatanging pamamaraan ng pagpreserba, hanggang sa mga sentro para sa pang-eksperimentong pagpapalahi ng hayop. Ipinagmamalaki namin ang legacy na ito, na nagbigay-daan sa amin na maisagawa ang kauna-unahang aprubadong bakuna para sa COVID-19 sa buong mundo. Mayroon na kaming natanggap na mga international na kahilingan para sa 1 bilyong dosis ng aming bakuna at mga international na kasunduang gumawa ng 500 milyong dosis taon-taon na nilalayong tataas pa.
ANG TOTOONG LIHIM
Ngayon, maraming Kanluraning media at pulitiko ang kumukuwestiyon sa bilis ng pagkakagawa ng Russia sa bakuna para sa COVID-19, na nagiging dahilan para pagdudahan ang bisa at pagiging totoo nito. Ang lihim kung bakit ito naging mabilis ay ang pagkadalubhasa ng Russia sa pananaliksik sa bakuna. Mula noong 1980s, pinangunahan ng Gamaleya Center ang pagsisikap na mag-develop ng platform ng teknolohiya gamit ang mga adenovirus, na matatagpuan sa mga adenoid ng tao at kadalasang sanhi ng pagkahawa sa karaniwang sipon, bilang “mga vector” o mga pinaglululanan, na naglalabas ng genetic material mula sa ibang virus patungo sa isang selyula. Ang gene na mula sa adenovirus, na sanhi ng impeksyon, ay inaalis habang nagsasalin naman ng isang gene na may code ng protina mula sa ibang virus. Ang isinaling elemento ay maliit, ngunit hindi mapanganib na bahagi ng virus at ligtas para sa pangangatawan ngunit tinutulungan pa rin nito ang immune system na mag-react at gumawa ng mga antibody, na nagpoprotekta sa atin laban sa impeksyon.
Sa tulong ng platform ng teknolohiya ng mga adenovirus-based vector, nagiging mas madali at mas mabilis ang paggawa ng mga bagong bakuna sa pamamagitan ng pag-modify sa naunang carrier vector gamit ang genetic material mula sa mga bagong umuusbong na virus. Dahil sa mga ganitong bakuna, nagkakaroon ng malakas na response mula sa pangangatawan ng tao na nakakagawa ng immunity habang nagtatagal lang ng ilang buwan ang kabuuang proseso ng pag-modify sa vector at paunang pagmamanupaktura.
Ang mga adenovirus ng tao ay itinuturing na ilan sa pinakamadaling i-engineer sa ganitong paraan at dahil dito, madalas gamitin ang mga ito bilang vector. Noong nagsimula ang pandemya ng COVID-19, ang kinailangan lang gawin ng mga mananaliksik sa Russia ay mag-extract ng coding gene mula sa spike ng novel coronavirus at i-implant ito sa isang pamilyar na adenovirus vector na isasalin sa isang selyula ng tao. Nagpasya silang gamitin ang napatunayan at nagagamit nang teknolohiyang ito sa halip na sumubok pa ng bagong bagay.
Napag-alaman din ng mga pinakabagong pag-aaral na dalawang iniksyon ng bakuna ang kailangan upang magkaroon ng pangmatagalang immunity. Mula pa noong 2015, sinusubukan na ng mga mananaliksik sa Russia ang pamamaraang may dalawang vector kaya nabuo ang ideya ng paggamit ng dalawang uri ng adenoviral vector, na Ad5 at Ad26, sa bakuna para sa COVID-19. Sa ganitong paraan, nalilinlang nila ang katawan, na gumagawa ng immunity laban sa unang uri ng vector, at nagpapaigting sa epekto ng bakuna sa tulong ng pangalawang iniksyon gamit ang ibang vector. Parang mayroong dalawang tren na nagtatangkang maghatid ng mahalagang kargada sa katawan ng tao na kailangan upang makapagsimula itong makagawa ng mga antibody. Kailangan ninyo ang pangalawang tren upang masigurong makakarating ang kargada sa patutunguhan nito. Dapat ay naiiba ang pangalawang tren sa unang tren, na inatake na ng immune system ng katawan at sanay na rito. Kaya, habang ang ibang mga gumagawa ng bakuna ay may isang tren, mayroon kaming dalawa.
Gamit ang pamamaraang may dalawang vector, ang Gamaleya Center ay nakapag-develop at nakapagparehistro rin ng bakuna laban sa Ebola fever. Ginamit ang bakunang ito sa maraming libo-libong tao sa nakalipas na ilang taon na naging daan upang magawa ang napatunayan nang platform ng bakuna na ginamit sa bakuna para sa COVID-19. Humigit-kumulang 2,000 tao sa Guinea ang tumanggap ng iniksyon ng mga bakuna ng Gamaleya noong 2017-18 at mayroong international patent ang Gamaleya Center para sa bakuna nito para sa Ebola.
PAMAMARAANG MAY DALAWANG VECTOR
Ang Gamaleya Center ay gumamit ng mga adenoviral vector upang mag-develop ng mga bakuna laban sa influenza at Middle East Respiratory Syndrome (MERS). Ang parehong bakuna ay kasalukuyan nang nasa mga advanced na yugto ng clinical trial. Ang mga pagkamit na ito ay nagpapakita na hindi inaaksaya ng mga laboratoryo sa Russia ang oras ng mga ito sa nakalipas na ilang dekada habang madalas na minamaliit ng international na industriya ng parmasyutiko ang kahalagahan ng pananaliksik sa mga bagong bakuna noong wala pang mga pandaigdigang banta sa kalusugan bago nagsimula ang pandemya ng COVID-19.
Gaya namin, nagsisimula na rin ang ibang mga bansa na mag-develop ng mga bakunang adenoviral vector-based. Ang Oxford University ay gumagamit ng adenovirus mula sa unggoy, na hindi pa nagamit dati sa isang aprubadong bakuna, hindi tulad ng mga adenovirus ng tao. Ang kumpanya sa U.S. na Johnson & Johnson ay gumagamit ng adenovirus na Ad26 at ang CanSino ng China - adenovirus na Ad5, na siyang mga vector din na ginagamit ng Gamaleya Center, ngunit hindi pa sila dalubhasa sa pamamaraang may dalawang vector. Nakatanggap na ang parehong kumpanya ng malalaking order para sa mga bakuna mula sa kanilang mga gobyerno.
Ang paggamit ng dalawang vector ay ang natatanging teknolohiya, na na-develop ng mga siyentista ng Gamaleya Center, na nagpapaiba sa bakuna ng Russia mula sa ibang mga bakunang adenoviral vector-based na dine-develop sa iba't ibang panig ng mundo. Ang mga bakunang nakabatay sa mga adenoviral vector ay mayroon ding malilinaw na bentahe kaysa sa iba pang teknolohiya gaya ng mga bakunang mRNA.
Ang mga potensyal na bakunang mRNA, na sumasailalim sa mga clinical trial sa Estados Unidos at iba pang bansa, ay hindi gumagamit ng mga vector para sa pagsasalin at mayroon itong RNA molecule na may code ng protina ng coronavirus na nakabalot sa lipid membrane. Mayroong potensyal ang teknolohiyang ito ngunit ang mga side effect, lalo na ang epekto nito sa kakayahan ng isang tao na mabuntis o makabuntis, ay hindi pa napag-aralan nang mabuti. Wala pang bakunang mRNA ang nakatanggap ng pangregulatoryong pag-apruba sa buong mundo. Naniniwala kami na sa pandaigdigang pag-uunahan sa paggawa ng bakuna upang malabanan ang coronavirus, ang mga bakunang adenoviral vector-based ang mananalo ngunit maging sa kategoryang ito, nangunguna ang bakuna ng Gamaleya.
PAGTUGON SA MGA PAGDUDUDA
Handa at rehistrado na ngayon ang bakuna ng Russia. Tapos na ang unang dalawang phase ng clinical trial at ilalathala ang mga resulta ng mga ito ngayong buwan alinsunod sa mga international na kinakailangan. Magbibigay ang mga dokumentong ito ng impormasyon tungkol sa bakuna, kasama na ang mga eksaktong antas ng antibody gaya ng ipinapakita sa maraming third-party na pagsusuri pati na rin sa pribadong pagsusuri ng Gamaleya, na tumutukoy sa pinakamabibisang antibody na umaatake sa spike ng coronavirus. Ipapakita rin ng mga ito na ang lahat ng kalahok sa mga clinical trial ay nakapag-develop ng 100 porsyentong immunity sa COVID-19. Ang mga pag-aaral sa mga Syrian hamster, na hayop na kadalasang namamatay sa COVID-19, ay nagpakita ng 100% proteksyon at kawalan ng pinsala sa baga matapos tumanggap ang mga ito ng nakamamatay na dosis ng impeksyon. Matapos ang pagpaparehistro, magsasagawa kami ng mga international na clinical trial sa 3 ibang bansa. Inaasahang magsisimula ang maramihang paggawa ng bakuna sa Setyembre at nakakakita na kami ng matinding pandaigdigang interes sa bakuna.
Nagsilitawan ang pagdududa mula sa mga international na media at pulitiko noong nagsisimula pa lang ang Russia na ianunsyo ang mga plano nito para sa maramihang paggawa ng bakuna para sa COVID-19. Nang nakipag-usap ako sa Kanluraning media, marami ang tumangging isama sa kanilang mga kuwento ang mga pangunahing katotohanan tungkol sa pananaliksik sa bakuna para sa COVID-19 ng Russia. Itinuturing namin ang mga pagdududang ito bilang pagtatangkang maliitin ang aming mga pagsisikap na mag-develop ng gaganang bakuna, na magpapahinto sa pandemya at tutulong na muling buksan ang pandaigdigang ekonomiya.
Hindi ito ang unang pagkakataon na humarap ang Russia sa kawalan ng tiwala ng ibang mga bansa sa pangunguna nito sa siyensya kapag humahadlang ang pulitika sa mga sayantipikong pagtatagumpay at naglalagay sa kalusugan ng publiko sa panganib. Noong panahon ng paglaganap ng polio sa Japan noong 1950s, ang mga ina sa Japan na namamatayan na ng mga anak dahil sa polio, ay nagprotesta laban sa sarili nilang gobyerno, na nagbabawal sa pag-import ng bakuna para sa polio ng Soviet Union dahil sa mga usaping pampulitika. Nakamit ng mga nagprotesta ang kanilang layunin at binawi ang pagbabawal kaya nailigtas ang buhay ng mahigit 20 milyong bata sa Japan.
Ngayon, humahadlang na naman ang pulitika sa teknolohiya ng Russia, na makakapagligtas ng buhay sa iba't ibang panig ng mundo. Handa ang Russia na makiisa sa ibang mga bansa sa paglaban dito at sa iba pang pandemya sa hinaharap. Sa mga salita ng isang delegado ng Soviet Union sa international na kumperensya para sa mga bakuna para sa polio sa Washington noong 1960 na kanyang binitawan bilang tugon sa mga tanong mula sa audience tungkol sa kaligtasan ng bakuna, na dito sa amin sa Russia, “mahal namin ang aming mga anak at nag-aalala kami sa kanilang kapakanan kagaya lang ng mga tao sa Estados Unidos, o saanpamang ibang bahagi ng mundo kung paano sila sa kanilang mga anak”. Matapos bitawan ang mga salitang ito, nakatanggap ng masigabong palakpakan ang mga kinatawan ng Soviet Union mula sa audience at nagpatuloy ang pagtutulungang gumawa ng mga bakuna. Ang kapakanan at kaunlaran para sa mga susunod na henerasyon ang kailangan nating isaisip sa ngayon. Kailangang ipagpaliban ng lahat ng bansa sa mundo ang pulitika at tumuon sa paghahanap ng pinakamahuhusay na solusyon at teknolohiya upang magprotekta ng buhay at maipagpatuloy ang pang-ekonomiyang aktibidad. Ang aming pondo ay nakapagtiyak na ng mga pakikipagsosyo sa pagmamanupaktura sa 5 bansa na sama-samang gagawa ng bakuna ng Russia. Marahil kahit papaano, salamat sa pakikipagsosyong ito sa paglaban sa COVID-19, masusuri at maisasantabi rin natin ang mga pagbabawal na may kinalaman sa pulitika sa mga international na ugnayan, na lipas na at humahadlang lang sa mga nagkakaisang pagsisikap na kaharapin ang mga pandaigdigang hamon.
Si Kirill Dmitriev ay chief executive officer ng Russian Direct Investment Fund, na isang sovereign wealth fund na may pinangangasiwaang $50 bilyon.
MGA SANGGUNIAN AT LINK
Ang website ng bakunang “Sputnik V”
Artikulo ng opinyon sa Newsweek magazine ni Kirill Dmitriev, na CEO ng RDIF, “Ang mga bagay kung saan tama ang Russia tungkol sa coronavirus - at ang maibabahagi nito sa mundo”.
Ang Bakuna para sa COVID-19 ng Gamaleya Center
Mga clinical trial:
https://clinicaltrials.gov/ct2/show/NCT04437875?term=Gamaleya&draw=2&rank=2
https://clinicaltrials.gov/ct2/show/NCT04436471?term=Gamaleya&draw=2&rank=3
Ang Bakuna para sa Ebola ng Gamaleya Center
https://clinicaltrials.gov/ct2/show/NCT03428347?term=Gamaleya&draw=2&rank=10
https://clinicaltrials.gov/ct2/show/NCT03072030?term=GamEvac&draw=2&rank=1
Mga international patent:
International patent WO2016130047A1 Immunobiological na gamot at pamamaraan para sa paggamit din dito sa pagpapalabas sa partikular na immunity laban sa Ebola virus
Mga registration certificate ng Russian Health Ministry:
http://grls.rosminzdrav.ru/Grls_View_v2.aspx?routingGuid=a52736b8-b1ac-408c-a2c1-3fb82c941267&t=
http://grls.rosminzdrav.ru/Grls_View_v2.aspx?routingGuid=a52736b8-b1ac-408c-a2c1-3fb82c941200&t=
http://grls.rosminzdrav.ru/Grls_View_v2.aspx?routingGuid=3974b1cc-27ed-4032-94ec-8c897f2421d3&t=
Mga sayantipikong lathalain:
Dolzhikova IV, Zubkova OV, Tukhvatulin AI, atbp. Kaligtasan at immunogenicity ng GamEvac-Combi, na isang heterologous VSV- at Ad5-vectored na bakuna para sa Ebola: Isang bukas na phase I/II na trial sa malulusog na taong nasa hustong gulang sa Russia. Hum Vaccin Immunother. 2017
Dolzhikova IV, Tokarskaya EA, Dzharullaeva AS, atbp. Mga Virus-Vectored na Bakuna para sa Ebola. Acta Naturae. 2017.
Mga kapaki-pakinabang na link:
Halaw mula sa Global Advisory Committee sa pagpupulong tungkol sa Kaligtasan ng Bakuna noong 5-6 Hunyo 2019, na inilathala sa World Health Organization Weekly Epidemiological Record noong 12 Hulyo 2019
Press release ng Russian Foreign Ministry tungkol sa mga clinical trial ng bakuna para sa Ebola ng Russia na Gam Evac Combi sa Guinea.
Natapos ng Russia at Rusal ang mga pagbabakuna para sa Ebola sa Guinea. Pharmaceutical Technology.
BAKUNA PARA SA MERS NG GAMALEYA
https://clinicaltrials.gov/ct2/show/NCT04130594?term=Gamaleya&draw=2&rank=4
https://clinicaltrials.gov/ct2/show/NCT04128059?term=Gamaleya&draw=2&rank=5
Patent ng Russian Federation:
https://yandex.ru/patents/doc/RU2709659C1_20191219
Ozharovskaia TA, Zubkova OV, Dolzhikova IV, atbp. Immunogenicity tungkol sa Iba't Ibang Anyo ng Middle East Respiratory Syndrome S Glycoprotein. Acta Naturae. 2019;11(1):38-47.
BAKUNA PARA SA INFLUENZA
https://clinicaltrials.gov/ct2/show/NCT04034290?term=Gamaleya&draw=2&rank=7
https://clinicaltrials.gov/ct2/show/NCT03651544?term=Gamaleya&draw=2&rank=9
Tutykhina I, Esmagambetov I, Bagaev A, atbp. Potensyal para sa pagbabakuna ng B at T epitope-enriched NP at M2 laban sa mga virus ng Influenza A mula sa iba't ibang clade at host. Inilathala noong 2018 Ene 29.
Tutykhina IL, Sedova ES, Gribova IY, atbp. Passive immunization sa isang recombinant adenovirus na nagpapahayag ng HA (H5)-specific single-domain antibody na nagpoprotekta sa mga bubwit mula sa nakakamatay na impeksyon ng influenza. Antiviral Res. 2013;97(3):318-328. doi:10.1016/j.antiviral.2012.12.021
Tutykhina IL, Logunov DY, Shcherbinin DN, atbp. Pag-develop ng bakunang adenoviral vector-based mucosal laban sa influenza. 2011. J Mol Med (Berl).
Patent WO2013129961A1 Recombinant trivalent na bakuna laban sa influenza na pantao.
MGA PANGKALAHATANG LATHALAIN TUNGKOL SA MGA BAKUNANG ADENOVIRAL VECTOR-BASED
Mga Potensyal sa Hinaharap para sa Pag-develop ng Matitipid at Mabibisang Bakunang Adenovirus. Nina Cyrielle Fougeroux at Peter J. Holst
Paggamit sa mga Adenovirus bilang mga Vector para sa mga Bakuna.
Burmistrova DA, Tillib SV, Shcheblyakov DV, atbp. Genetic Passive Immunization sa Adenoviral Vector na Nagpapahayag ng mga Chimeric Nanobody-Fc Molecule bilang Therapy para sa Impeksyon sa Ari na Sanhi ng Mycoplasma hominis. PLoS One. 2016
Shcherbinin DN, Esmagambetov IB, Noskov AN, atbp. Pamprotektang Immune Response laban sa Bacillus anthracis na Inilalabas sa pamamagitan ng Intranasal na Pagpapasimula ng Recombinant Adenovirus na Nagpapahayag sa Pamprotektang Antigen na Isinama sa Fc-fragment ng IgG2a. Acta Naturae. 2014
Mga Potensyal sa Hinaharap para sa Pag-develop ng Matitipid at Mabibisang Bakunang Adenovirus. By Cyrielle Fougeroux and Peter J. Holst
Matagumpay na naipadala ang mensahe!