Newsroom

‘Maaaring magamit na sa PH ang bakuna para sa COVID-19 ng Russia sa Nobyembre’

MAYNILA, Pilipinas — Maaaring maagang magamit sa Pilipinas ang bakuna ng Russia na na-develop laban sa sakit na coronavirus 2019 (COVID-19) sa Nobyembre 2020, ayon sa pinuno ng Russian Direct Investment Fund na nagpopondo sa proyekto ng bakuna.

“Naniniwala kaming maaga naming masisimulan ang trial na ito sa Agosto o baka kahit sa Setyembre, at naniniwala kaming kung makikipagtulungan kami nang maigi sa inyong regulator at sa ministro sa kalusugan ninyo, maaga naming maipapamahagi sa Pilipinas ang bakuna sa Nobyembre o simula ng Disyembre,” ani Kirill Dmitriev, chief executive officer ng RIDF, sa isang panayam sa ABS-CBN News Channel na umere noong Biyernes.

“Nagsisikap kami ngayon na magmanupaktura ng mga bakuna hindi lang sa Russia, ngunit maging sa limang iba pang bansa at gusto talaga naming maipamahagi sa maraming bansa ang bakuna sa katapusan ng Nobyembre o sa simula ng Disyembre,” dagdag niya.

Ayon kay Dmitriev, tina-target ng mga developer ng bakuna para sa coronavirus na Sputnik V ng Russia na lumahok ang 1,000 Filipino sa phase 3 ng mga clinical trial.

Sabi niya nagkaroon din ng mga kasunduan ang Russia sa United Arab Emirates, Saudi Arabia, at Brazil para sa mga pagsusuri.

Patuloy na ipinapahayag ni Dmitriev na ligtas ang bakuna sa gitna ng mga alalahanin mula sa sayantipikong komunidad.

“Ang aming bakuna ay batay sa napatunayan nang platform na tinatawag na adenovirus vector ng tao na pinag-aaralan na sa Russia sa nakalipas na anim na taon. Sinubukan na ito sa libo-libong tao,” aniya.

“Sa katotohanan, malaki ang lamang ng Russia dahil mayroon kaming bakuna para sa ebola batay sa mga prinsipyong ito na naaprubahan na, gumagawa kami ng bakuna para sa MERS (Middle East Respiratory Syndrome) at pagkatapos ay nagkataong napakalapit ng coronavirus sa MERS. Kaya gumagamit kami ng napakaligtas na mekanismo ng pagsasalin na napakalayo sa iba pang bakuna,” dagdag pa niya.

Idineklara ni Pangulong Vladimir Putin kamakailan ang Russia bilang ang unang bansang nag-apruba ng bakuna laban sa COVID-19 kahit na hindi pa nito nakukumpleto ang huling yugto ng mga clinical trial upang subukin ang kaligtasan at bisa nito.

Idinagdag ni Dmitriev na ipinakita ng sayantipikong data na 100 porsyento ng lumahok sa Phase 1 at 2 ng mga clinical trial ay nagkaroon ng “napakalakas na immunity.”

Wala ring kapansin-pansing side effect na naitala mula sa mga unang trial.

Sa kabila ng mga alalahanin mula sa international na komunidad tungkol sa kaligtasan ng bakuna, tinukoy niyang maaari sanang sinarili na lang ng Russia ang bakuna pero hindi nila ito ginawa.

“Dapat ninyong maunawaan na maaari sanang sinarili na lang ng Russia ang lahat ng bakunang ito. Maaari naming bakunahan ang aming mga mamamayan dahil alam naming gumagana ito. Maaari sanang nangunguna na kami sa ekonomiya kumpara sa ibang nasyon. Sa halip ay ibinabahagi namin, maaaring masyadong maaga, na mabisa at ligtas ang aming bakuna,” diin niya.

Sinabi rin niyang “lubos na hindi etikal” kung hindi ibabahagi ng Russia ang bakuna sa iba pang bansa dahil ang teknolohiya kung saan ito ibinatay ay “napatunayang ligtas.”

“Gusto naming maging ligtas ang mga tao. Gusto naming maging ligtas ang mga tao sa Pilipinas,” ani Dmitriev, idinagdag pa niyang “hindi nila ipinipilit ang bakuna sa sinuman.”

Sa ngayon, nakatanggap na ang mga developer sa Russia ng mga kahilingan para sa isang bilyong dosis mula sa ibang bansa bago ang international na pamamahagi ng bakuna.

Gayunpaman, idiniin ni Dmitriev na hindi nag-iisang bakuna ang Sputnik V laban sa COVID-19.

“Mahalagang magkaroon ng maraming bakuna ang mundo. Mahalagang hindi maging pulitikal ang isyu ng bakuna. Gusto naming marami ang bakuna at gusto namin ng positibong pagtutulungan sa mga bakuna,” aniya.

Message has been successfully sent!