Newsroom

Nagpapakita ng malaking interes ang mga pharma producer sa India sa bakunang Sputnik V para sa Covid-19: Sovereign wealth fund ng Russia

May nakitang malaking interes ang Russia mula sa mga pharmaceutical producer mula sa India sa bakuna para sa Covid-19 na Sputnik V at nakikipagtalakayan na ang mga ito sa kanila para sa potensyal na paggawa ng bakuna sa India, ani Kirill Dmitriev, CEO ng Russian Direct Investment Fund (RDIF), na sovereign wealth fund ng Russia.

Pinondohan ng RDIF ang pananaliksik at paggawa ng Sputnik V, na ang kauna-unahang aprubadong bakuna para sa coronavirus sa buong mundo, na na-develop ng Gamaleya Research Institute of Epidemiology and Microbiology na nakabase sa Moscow.

“May nakita kaming malaking interes mula sa mga pharmaceutical producer sa India para sa bakuna ng Russia at nakikipagtalakayan na kami sa kanila para sa potensyal na pagtutulungan at paggawa ng bakuna sa India,” pahayag ni Dmitriev sa ET mula sa Moscow sa isang eksklusibong panayam.

“Batay sa kasaysayan, ang India ay isang makabuluhang kasosyo ng Russia sa maraming sektor. Nakikipagtulungan na ang RDIF sa mga kumpanya at organisasyon sa India mula pa noong 2012 para sa pag-develop ng mga pinagsamang proyekto ng pamumuhunan na nakatuon sa pagsuporta sa mga pambansang ekonomiya at sa pagkalinga sa mga ekonomikong ugnayan sa pagitan ng dalawang bansa,” aniya.

Kasama ng mga international na kasosyo, pinaplano ng Russia na magmanupaktura ng mahigit 500 milyong dosis ng bakuna kada taon sa limang bansa, sabi ng CEO ng RDIF. “Dagdag pa sa India, nakikipagtalakayan din kami sa Korea at Brazil hinggil sa paggawa ng bakuna. Handa na ang Russia na ialok ang bakuna nito sa anumang bansang magiging interesado sa pagbili nito,” aniya.

Ipinahayag ni Dmitriev ang mga komento niya kahit na ang Sputnik V, na pinangalanan ayon sa 1957 Soviet Union satellite, ay inulan ng pag-aalinlangan nang ilunsad ito noong Martes dahil hindi pa nito nakukumpleto ang phase-3 na trial nito. Sabi niya, nakatanggap ang Russia ng mga paunang kahilingan para sa mahigit isang bilyong dosis ng bakuna mula sa 20 bansa sa South America, West Asia at Asia.

Ang pagpaparehistro ng Sputnik V ay isang tagumpay sa mga pandaigdigang pagsisikap para protektahan ang mga tao laban sa coronavirus, ani Dmitriev. “Batay ang bakunang ito sa mga adenoviral vector. Ito ay isang umiiral, napatunayan at ligtas na teknolohiyang nabuo mula pa noong dekada 80,” pahayag niya. “Ngayon, ito ang unang ligtas na mekanismo para sa pagpapasok ng genetic code ng virus spike sa katawan ng tao, at pinag-aaralan itong mabuti hindi lang ng Russia ngunit maging ng mundo. Kapansin-pansing matagumpay na ginamit ng mga eksperto sa Gamaleya Institute ..

Sinabi ni Dmitriev na pinatotohanan ang bisa at kaligtasan ng mga adenoviral vector sa pamamagitan ng ilang taong pagsusuri at nakatanggap rin ang bakuna para sa Ebola ng Gamaleya Institute ng international patent. Kung kaya't batay ang Sputnik V sa napatunayan at matagumpay na platform, aniya.

Sinusuportahan at sinisiyasat ng RDIF ang mahahalagang proyektong nauugnay sa Covid-19, gaya ng pagbuo ng mga rapid testing system, paggawa ng antiviral drug na Avifavir, at pag-develop ng bakuna mula pa noong umpisa ng pandemya, na umaasa sa pakikiisa ng mga Russian at dayuhang kasosyo, pahayag ni Dmitriev. “Naniniwala kaming ang international na pagkakaisang ito, sa halip na pakikipagkumpitensya, ay mahalaga para sa tagumpay sa paglaban sa coronavirus,” aniya.

Sinusuportahan ng pondo ang paggawa ng Sputnik V sa pamamagitan ng mga portfolio company nito na Alium at R-Pharm, na magsisimula sa maramihang paggawa ng bakuna sa Setyembre.

Ipinakita ng phase-1 at phase-2 ng mga klinikal na pag-aaral ng bakuna na nagkaroon ang mga nagboluntaryo ng immunity sa loob ng 21 araw, na nadoble pagkatapos ng pangalawang iniksyon, ayon sa Gamaleya Institute. Walang boluntaryo ang nakaranas ng malalalang side effect, sabi nito. Isasagawa ang mga phase-3 trial sa Russia, Saudi Arabia, Pilipinas, Brazil at UAE.

Message has been successfully sent!