Newsroom

Nakatanggap ang Russia ng interes para sa 1 bilyong dosis nang irehistro nito ang bakuna para sa Covid-19

Nakatanggap ang Russia ng interes para sa 1 bilyong dosis ng bakuna nito para sa coronavirus, na opisyal na nairehistro sa bansa noong Martes, at nilalayon nitong maglabas ng 500 milyong dosis sa darating na 12 buwan, pahayag ng pangulo ng sovereign wealth fund nito.

“Nakatanggap na kami ng tentatibong interes at paunang kahilingan para sa 1 bilyong dosis ng bakuna ng Russia … mula sa mahigit 20 bansa,” pahayag ni Kirill Dmitriev, punong tagapamahala ng Russian Direct Investment Fund, na nagpopondo sa pananaliksik sa bakuna ng bansa, sa isang virtual na press conference noong Martes.

Nagpahayag na ang mga bansa sa Latin America, Middle East at Asia ng malaking interes sa bakuna, na tinatawag na Sputnik V, aniya. Ang RDIF ay “malapit nang maghanda ng pinal na bilang ng kontrata para sa pagbili ng bakuna,” sabi ni G. Dmitriev.

Binuo ng RDIF ang sumusunod na website na nakalaan sa bakuna: https://sputnikvaccine.com/

“Naniniwala kaming ang araw na ito ay isang positibong araw sa paglaban ng sangkatauhan sa coronavirus … Isa itong malaking hakbang hindi lang para sa ating mga siyentista, hindi lang para sa Russia, hindi lang para sa aming pamunuan ngunit maging para sa mundo dahil mayroon tayong iisang kaaway at iyon ay ang coronavirus,” ani G. Dmitriev.

Sinusuportahan ng RDIF ang paggawa ng bakunang na-develop ng Gamaleya Institute at namuhunan na ito ng 4 na bilyong ruble (Dh202 million) sa pamamagitan ng mga portfolio company nito na Alium at R-Pharm.

“Nakikipagtulungan din kami upang gawin ang bakuna sa limang bansa at ngayon ay may kakayahan na kaming gumawa ng 500 milyong bakuna na maaaring mailabas sa susunod na 12 buwan,” pahayag ni G. Dmitriev.

“Plano naming mas pataasin ang kakayahang gumawa nito,” aniya. “Hindi lang namin sa Russia gagawin ang bakuna, gagawin din namin ito sa iba pang bansa.”

Mahigit 200 milyong tao ang nahawahan ng coronavirus sa buong mundo at tinatayang 740,000 tao na ang namatay, ayon sa Worldometer, na sumusubaybay sa pandemya. Ang US ang may pinakamataas na bilang ng impeksyon na mahigit 5.2 milyon.

Magsisimula bukas ang phase III ng mga clinical trial at ilalathala ang data kapag handa na ito, sabi ni G. Dmitriev.

“Inaasahan naming malapit nang magsimula ang mga clinical trial sa UAE, Saudi Arabia at Pilipinas,” aniya, idinagdag din niyang susubaybayan ang mga taong lalahok at susukatin ang kanilang mga antibody sa mga susunod na buwan.

Ipinahayag ni G. Dmitriev na isang mahalagang tagumpay ang bakuna ng Russia sa gitna ng panunumbalik ng pandemya sa mga bansang nakikipaglaban sa mga pangalawang wave.

“Hinulaan ng ibang mawawala lang ang coronavirus… at ang bakuna ay isang malaking hakbang sa pagsulong,” aniya.

“Ito ay tungkol talaga sa pagprotekta sa mga tao … Ito ay tungkol din sa pagbibigay-daan sa ating mga ekonomiyang magbukas at gumana nang maayos. Kailangang ang mga tao ay malusog, nagtatrabaho, at ang bakuna talaga ang solusyon,” sabi ni G. Dmitriev.

“Isa itong mahalagang hakbang mula sa ekonomikong pananaw upang matulungang mas mabilis na sumigla ang mga ekonomiya ng ating mga bansa.”

Nag-develop ang Gamaleya Institute ng pagsusuri na kayang sukatin ang mga partikular na antibody na umaatake sa spike ng coronavirus, aniya. Umaabot ng ilang oras ang pagsusuri, at ibibigay ito sa lahat ng taong tatanggap ng bakuna. Iaalok na ngayon sa mga boluntaryo, doktor, at guro ang bakuna ng Russia.

“Inaasahan naming mababakunahan ang libo-libong boluntaryo sa mga susunod na buwan at pagkatapos ay, simula Oktubre, magkakaroon ng maramihang pagbabakuna sa Russia sa mga magboboluntaryo,” pahayag ni G. Dmitriev.

Message has been successfully sent!