Moscow, Setyembre 30, 2020 – Nagkasundo ang Russian Direct Investment Fund (RDIF), ang sovereign wealth fund ng Russia, at ang Pharco, isa sa mga nangungunang grupo sa parmasyutika sa Egypt (na kumikilos sa pamamagitan ng pangunahing operational subsidiary nito – ang Biogeneric Pharma) na mag-supply ng 25 milyong dosis ng bakunang Sputnik V sa Egypt. Ang bakunang nakabatay sa isang masusing pinag-aralang platform ng mga human adenoviral vector na may napatunayang kaligtasan at pagkamabisa, ay tutulong sa pagsusumikap ng Ministro ng Kalusugan ng Egypt na magkaroon ng bakuna laban sa COVID-19.
Dahil sa kasunduan, magkakaroon ng access ang 25% ng populasyon ng Egypt sa bakunang Sputnik V. Sa hinaharap, pinaplano itong ipamahagi sa mga kalapit na bansa.
Magkakaroon ang Egypt ng malawak na hanay ng mga bakuna na kinabibilangan ng bakunang nakabatay sa platform ng mga human adenoviral vector. Deka-dekada nang napatunayang ligtas ang platform na ito sa pamamagitan ng 75 pandaigdigang siyentipikong publikasyon at sa mahigit 250 klinikal na pagsubok.
Walang nakitang malubhang hindi kanais-nais na kaganapan sa mga klinikal na pagsubok ng bakuna mula sa Russia, kung saan nagdulot ang Sputnik V ng maayos na humoral at cellular immune response sa 100% ng mga kalahok. Kumpara dito, hindi pa napapatunayan ng mga bakunang nakabatay sa mga bagong platform ang kaligtasan ng mga ito at wala pang data ang mga ito tungkol sa carcinogenicity (kakayahang makapagdulot ng cancer) o mga epekto sa fertility (pagkakaroon ng kakayahang mag-anak).
Noong Agosto 11, ang bakunang Sputnik V na binuo ng Gamaleya National Research Institute of Epidemiology and Microbiology ay inirehistro ng Ministro ng Kalusugan ng Russia at naging unang nakarehistrong bakuna laban sa COVID-19 na nakabatay sa platform ng mga human adenoviral vector sa mundo. Makikita ang detalyadong impormasyon tungkol sa bakunang Sputnik V, ang teknolohikal na platform ng mga human adenoviral vector, at iba pang detalye sa sputnikvaccine.com
Noong Setyembre 4, inilathala ang isang pagsasaliksik tungkol sa mga resulta ng Yugto I at Yugto II ng mga klinkal na pagsubok ng bakunang Sputnik V sa The Lancet, isa sa mga nangungunang medikal na peryodiko sa mundo. Kasalukuyang isinasagawa ang mga klinikal na pagsubok matapos ang pagpaparehistro ng bakunang Sputnik V na mayroong 40,000 volunteer. Mahigit 60,000 volunteer ang nagpatala upang makibahagi sa mga pagsubok matapos ang pagpaparehistro. Inaasahang mailalathala ang mga unang resulta ng mga pagsubok na ito sa Oktubre-Nobyembre 2020.
Mahigit 50 bansa sa Middle East, Asia, Latin America, Europe at CIS ang nagpatala para sa Sputnik V. Inanunsyo na ng RDIF ang mga kasunduan sa supply sa Mexico para sa 32 milyong dosis, sa Brazil para sa hanggang 50 milyong dosis, India – 100 milyong dosis, Uzbekistan – para sa hanggang 35 milyong dosis at Nepal para sa 25 milyong dosis.
Sinabi ni Kirill Dmitriev, ang CEO ng Russian Direct Investment Fund na:
“Ang kasunduan sa pagitan ng RDIF at Pharco ay tutulong sa Egypt na makakuha ng mabisa at ligtas na bakunang Sputnik V para sa halos 25% ng populasyon nito. Ang platform ng mga adenoviral vector ay mas matagal nang napatunayang ligtas kumpara sa mga bagong teknolohiya gaya ng mga monkey adenoviral vector o mRNA na ginagamit ng iba pang tagagawa ng bakuna. Kaya, ang mga mamamayan ng Egypt ay makatatanggap ng napatunayang bakuna na ginawa sa isang platform na walang hindi magandang pangmatagalang epekto, na kinabibilangan ng carcinogenicity o mga panganib sa fertility sa hinaharap. Inaasahan naming mas marami pang bansa ang magdaragdag sa Sputnik V sa kanilang hanay ng mga bakuna sa mga susunod na linggo.”
Sinabi ni Dr. Sherine Abbas Helmy, ang Tagapagtatag at Presidente ng Pharco, na:
“Lubos naming pinahahalagahan ang kasunduang ito na magsu-supply sa Egypt ng bakuna mula sa Russia na Sputnik V na may napatunayang kaligtasan. Bukod pa sa supply ng bakuna, marami kaming isinasaalang-alang na karagdagang oportunidad sa pakikipagtulungan sa RDIF, kabilang ang lokalisasyon ng produksyon sa Egypt sa mga pasilidad ng Biogeneric Pharma sa mga susunod na buwan na mapakikinabangan ng parehong bansa.”
Isinaad ni Feliks Ershov, virologist, at Akademiko ng Russian Academy of Sciences, na:
“Hindi ganap na mapupuksa ang pandemyang ito nang walang bakuna. Hindi tulad ng mga dating bakuna, ang bakunang ginawa ng Gamaleya Center ay hindi binubuo ng iisang bahagi lang (naglalaman ng buhay o patay na virus). Ginawa ito gamit ang makabagong biotechnology at napatunayang platform, kumpara sa mga produktong ginawa ng ilang kumpanya na nakabatay sa mRNA o monkey adenovirus, na hindi pa nasusubukan. Natitiyak ang kaligtasan ng bakunang Sputnik V sa pamamagitan ng paggamit ng simpleng flu virus na hindi nakasasama sa mga tao at hindi naglalaman ng mismong coronavirus, kundi bahagi lang ng genetic code nito, na pipigil sa posibilidad ng impeksyon. Ngunit natitiyak ang reaksyon ng mga antibody na kinakailangan upang maprotektahan ang katawan, at kinumpirma ito ng mga resulta ng mga pagsubok. Masisiguro ng paggamit ng dalawang magkasunod na iniksyon na may magkakaibang paraan ng pagsasalin ng virus code sa katawan ang immunization at kinakatawan nito ang natatanging kalamangan ng bakuna mula sa Russia.”
***
Ang Russian Direct Investment Fund (RDIF) ay ang sovereign wealth fund ng Russia na itinatag noong 2011 upang gumawa ng mga equity co-investment, pangunahin sa Russia, kasama ng mga mapagkakatiwalaang pandaigdigang pampinansyal at estratehikong mamumuhunan. Ang RDIF ang nagsisilbing catalyst para sa direktang pamumuhunan sa ekonomiya ng Russia. Ang kumpanya ng pamamahala ng RDIF ay nakabase sa Moscow. Sa kasalukuyan, ang RDIF ay matagumpay nang nakapagpatupad ng mahigit 80 proyekto kasama ng mga dayuhang kasosyo na umaabot sa RUB1.9 tn sa kabuuan at sumasaklaw sa 95% ng mga rehiyon ng Russian Federation. Ang mga portfolio company ng RDIF ay nagbibigay ng trabaho sa mahigit 800,000 tao at kumikita ng halagang katumbas ng mahigit sa 6% ng GDP ng Russia. Nakapagtatag ang RDIF ng kapwa estratehikong pakikipagsosyo sa mga nangungunang pandaigdigang co-investor mula sa mahigit 18 bansa na umaabot sa mahigit $40 bn sa kabuuan. Makakakita ng karagdagang impormasyon sa rdif.ru
Ang PHARCO Corporation (PHARCO) ay itinatag ni Dr. Hassan Abbas Helmy at nagsimula ang operasyon nito noong 1987. Ang PHARCO ay ang nangungunang nangingibabaw na kalahok sa industriya ng parmasyutika sa Egypt, Middle East at Africa na nag-aalok ng hindi mapapantayang hanay ng mga parmasyutikong generic na gamot at branded na generic na gamot, pati na rin iba pang produkto para sa nutrisyon at bitamina para sa paggamot at pag-iwas sa mga sakit upang mapaganda ang kalidad ng buhay ng bawat pasyente. Ang PHARCO Corporation ay kasalukuyang binubuo ng isang grupo ng siyam na kumpanya ng pangangalagang pangkalusugan na nagsasagawa ng operasyon sa larangan ng parmasyutika para sa pagbuo, paggawa, pagbebenta, pamamahagi, at pag-export ng isang kumprehensibong hanay ng mga branded at generic na gamot, pati na rin ang tumataas na bilang ng mga lisensyadong parmasyutikong produkto at bakuna. Makakakita ng karagdagang impormasyon sa pharco.org
Para sa karagdagang impormasyon, makipag-ugnayan kina:
Arseniy Palagin Russian Direct Investment Fund Press Secretary Tel: +7 495 644 34 14, ext. 2395 Mobile: +7 916 110 31 41 E-mail: [email protected]
Andrew Leach / Maria Shiryaevskaya Hudson Sandler Tel: +44 (0) 20 7796 4133
Matagumpay na naipadala ang mensahe!