Moscow, Setyembre 28, 2020 – Inanunsyo ng Russian Direct Investment Fund (RDIF), ang sovereign wealth fund ng Russia, ang paghahatid ng unang batch ng bakuna mula sa Russia laban sa coronavirus na Sputnik V sa Republika ng Belarus. Ang bakunang Sputnik V ay nakabatay sa isang platform ng mga human adenoviral vector, at nag-iisa ito sa mundo na may napatunayang pangmatagalang kaligtasan at pagkamabisa.
Ang pagbabakuna sa mga volunteer sa Belarus ay magsisimula sa Oktubre 1 bilang bahagi ng mga double-blind, naka-randomize, at kinokontrol ng placebo na klinikal na pagsubok ng bakunang Sputnik V. Popondohan ng RDIF ang mga klinikal na pagsubok na ito sa Belarus na lalahukan ng 100 tao na magkakaroon ng pagkakataong mabakunahan laban sa coronavirus sa pamamagitan ng bakunang binuo ng Gamaleya National Research Institute of Epidemiology and Microbiology ng Ministro ng Kalusugan ng Russia. Ang Belarus ang unang bansang magsisimula ng mga klinikal na pagsubok ng bakunang Sputnik V matapos itong maiparehistro sa Russia. Isasagawa ang mga klinikal na pagsubok sa walong medikal na institusyon na pinili bilang mga sentro ng pananaliksik sa Belarus. Dalawang klinika sa Belarus na ang nakatanggap ng mga unang batch ng bakunang Sputnik V.
Noong Agosto 11, ang bakunang Sputnik V na binuo ng Gamaleya National Research Institute of Epidemiology and Microbiology ay inirehistro ng Ministro ng Kalusugan ng Russia at naging unang nakarehistrong bakuna laban sa COVID-19 na nakabatay sa platform ng mga human adenoviral vector sa mundo. Makikita ang detalyadong impormasyon tungkol sa bakunang Sputnik V, ang teknolohikal na platform ng mga human adenoviral vector, at iba pang detalye sa sputnikvaccine.com
Noong Setyembre 4, inilathala ang isang pagsasaliksik tungkol sa mga resulta ng Yugto I at Yugto II ng mga klinkal na pagsubok ng bakunang Sputnik V sa The Lancet, isa sa mga nangungunang medikal na peryodiko sa mundo, at ipinakita rito na walang malubhang hindi kanais-nais na kaganapan at maayos ang reaksyon ng immune system sa 100% ng mga kalahok. Kasalukuyang isinasagawa ang mga klinikal na pagsubok matapos ang pagpaparehistro ng bakunang Sputnik V na mayroong 40,000 volunteer. Mahigit 60,000 volunteer ang nagpatala upang makibahagi sa mga pagsubok matapos ang pagpaparehistro. Inaasahang mailalathala ang mga unang resulta ng mga pagsubok na ito sa Oktubre-Nobyembre 2020.
Sinabi ni Kirill Dmitriev, ang CEO ng Russian Direct Investment Fund na:
“Ang Belarus ang unang bansang nakibahagi sa mga klinikal na pagsubok ng bakunang Sputnik V sa ibang bansa, at isa ito sa mga bansang unang makatatanggap ng mabisa at ligtas na bakuna upang malabanan ang coronavirus. Mayroon nang mga nakaplanong katulad na klinikal na pagsubok ng bakunang Sputnik V sa ilan pang bansa, kabilang ang Brazil, India, Saudi Arabia, Egypt at United Arab Emirates. Ang platform ng mga human adenoviral vector na pinagbabatayan ng bakuna mula sa Russia ay ligtas sa kalusugan at deka-dekada nang nasuri sa mahigit 250 klinikal na pag-aaral. Kasabay nito, umaasa ang mga tagagawa ng bakuna sa Kanluran sa mga pang-eksperimento at hindi pa gaanong napag-aaralang teknolohiya na hindi pa nasuri nang pangmatagalan, at may mga kinahaharap silang balakid sa kanilang mga klinikal na pagsubok na nagpapatagal sa paglulunsad ng mga bakuna sa publiko at nagkakaroon ito ng negatibong epekto sa mga pagsusumikap na labanan ang coronavirus.”
Mahigit 50 bansa sa CIS, Europe, Asia, Middle East at Latin America ang nagpatala para sa Sputnik V. Dati nang inanunsyo ng RDIF ang mga kasunduan sa supply sa Mexico para sa 32 milyong dosis, sa Brazil para sa hanggang 50 milyong dosis, sa India – 100 milyong dosis at sa Uzbekistan para sa hanggang 35 milyong dosis.
***
Ang Russian Direct Investment Fund (RDIF) ay ang sovereign wealth fund ng Russia na itinatag noong 2011 upang gumawa ng mga equity co-investment, pangunahin sa Russia, kasama ng mga mapagkakatiwalaang pandaigdigang pampinansyal at estratehikong mamumuhunan. Ang RDIF ang nagsisilbing catalyst para sa direktang pamumuhunan sa ekonomiya ng Russia. Ang kumpanya ng pamamahala ng RDIF ay nakabase sa Moscow. Sa kasalukuyan, ang RDIF ay matagumpay nang nakapagpatupad ng mahigit 80 proyekto kasama ng mga dayuhang kasosyo na umaabot sa RUB1.9 tn sa kabuuan at sumasaklaw sa 95% ng mga rehiyon ng Russian Federation. Ang mga portfolio company ng RDIF ay nagbibigay ng trabaho sa mahigit 800,000 tao at kumikita ng halagang katumbas ng mahigit sa 6% ng GDP ng Russia. Nakapagtatag ang RDIF ng kapwa estratehikong pakikipagsosyo sa mga nangungunang pandaigdigang co-investor mula sa mahigit 18 bansa na umaabot sa mahigit $40 bn sa kabuuan. Makakakita ng karagdagang impormasyon sa rdif.ru
Para sa karagdagang impormasyon, makipag-ugnayan kina:
Arseniy Palagin Russian Direct Investment Fund Press Secretary Tel: +7 495 644 34 14, ext. 2395 Mobile: +7 916 110 31 41 E-mail: [email protected]
Andrew Leach / Maria Shiryaevskaya Hudson Sandler Tel: +44 (0) 20 7796 4133
Matagumpay na naipadala ang mensahe!